ophelia

October 18, 2007

ni minsan sa buhay ko, hindi ako napalo ng mga magulang ko. nung isang beses na nakita kong nagtatakbo sa labas ng bahay nila ang kaibigan naming si Kyle dahil hinahabol siya ng patpat ng nanay niya, tinanong ko si daddy, “Daddy ba’t hindi mo kami pinapalo?” Sabi niya, “Malakas akong humataw. Malalatayan kayo. Edi imbis na maisip kong natuto kayo, sasama lang ang loob ko dahil kawawa kayo.”

hindi rin kami pinapalo ng mama namin, kasi nakukuha niya kami sa tingin (yes naman!). sa totoo lang, manliliit ka talaga ‘pag tinitigan ka niya. ‘di ko alam kung bakit, kasi hindi naman mukhang masungit si mama. basta pag naghaharutan kami ni yan-yan noon, tas umabot sa sakitan, titignan muna namin kung nakatingin si mama bago kami mag-away. pag nakatingin siya, naglalayo na kami… kanya-kanyang kulong sa kwarto, dahil kung hindi tiyak kong pwede ka nang lumipad sa langit para maging bituin pagkatapos kang sabunin maghapon ni mama.

pero may isang pagkakataon nakatikim ako ng palo. natatandaan ko lahat nung nangyari nung umagang yon. nanonood kami ni yan-yan ng Cedie. pang-hapon kami pareho noon sa school. nung mga oras na yon dapat kumakain na kami para makaligo na at makapaghanda sa pagpasok, pero dahil tuwang-tuwa kami sa Cedie ayaw namin umalis sa harapan ng TV.

“magsiligo na kayo!”

kebs.

“hoy, ano ba? magsiligo na kayo’t parating na ang serbis nyo!”

kebs pa rin.

CBB na ng cedie.
“o ayan na.”

kebs pa rin. at hindi lang kami nagwalang-bahala, nagsing-along pa kami sa CBB.

biglang. “ang kukulit nyo ah!!!”

ramdam namin ang bawat yabag papalapit sa amin. biglang…

“pak-pak-pak,” sabi ng gomang tsinelas pagkadapo sa pwet ni yanyan.

“pak-pak-pak,” sabi ng gomang tsinelas pagkadapo sa pwet ko.

natanga kaming magkapatid. unti-unting nanginig ang aming mga labing ilang minuto lang ang nakalipas, OA sa ngiti habang kumakanta ng “Cedie, ko-ko-ronyong dainuyo… Cedie!!!” Maya-maya pa parehas na kaming nagsi-iyak… at ang kaninang gigil na gigil sa pagpalo sa’min ay umiyak na rin.

“ang titigas ng ulo nyo! sige, huwag na kayong magsipasok!!! manood na lang kayo ng TV dyan maghapon.”

si auntie openg yon.

si auntie openg ang bunsong kapatid ni mama. siya ang nagsilbing pangalawa naming magulang. sanggol pa lang ang kapatid kong si yanyan nang lumuwas siya mula sa Leyte (a.k.a Leyti). kung ‘di ako nagkakamali 22 pa lang siya noon. siya ang nagpalaki sa aming magkakapatid, dahil parehong nagtatrabaho ang mga magulang namin.

si auntie ang dakilang taga-linis ng bahay, tagapaglaba, tagapamalengke at tagapagbayad ng tubig noong mga panahong maliliit pa kami para gawin ang mga ‘yon. at nung nawalan kami ng kusinera, siya ang araw-araw na nagluto ng porkchop para makakain kami (oo, literal yon. araw-araw porkchop ang ulam namin. minsan nagluluto rin siya ng tocino, pritong isda, pritong itlog, adobo at sinigang na kangkong lang ang sahog). :lol:

marami kaming natutunan kay auntie. sa kaso ko, si auntie ang nagturo sa akin maghugas ng plato nung grade 4 ako, mamlantsa ng damit nung grade 6 ako, at bantayan at hugasan ang puwet ng baby kong pamangkin nung 1st year high school ako. lagi niyang sinasabi, “kailan mo pa yan pag-aaralan, pag may asawa ka na?” siguro nakita ni auntie na maaga kaming mabubuhay nang mag-isa ng kapatid ko, buti na lang tinuro niya yon agad lahat.

natutunan namin kumilos mag-isa at maging ‘independent’ dahil kay auntie, pero ang pinakamahalagang natutunan namin sa kanya ay ang pagmamahal sa isa’t isa. naniniwala akong kaya walang nagkakasamaan ng loob sa ‘ming magkakapatid ay dahil sa paggabay niya habang lumalaki kami. ni minsan wala sa amin ang nagsigawan, nagsabunutan, bugbugano batuhan ng gamit except unan.

kaya yun, kakabantay sa amin tumanda na si auntie ng ka-aalaga sa amin. sinubukan niyang mag-asawa nung tumuntong na sa college ang kapatid ko, pero bumalik siya. sabi niya,”hay nako, sakit sa ulo. mag-aalaga na lang ako ng mga apo ko.” at yun nga ang ginawa niya.

bente-kwatro años na ang bunsong kapatid ko ngayon, at si auntie openg ay nasa puder na ng ate ko. inalagaan niyang lahat ang tatlong anak ng ate ko (si bianca 13, si nina 8 at si cholo na 15 months old). siguro hindi na niya kami maiiwan, dahil naaalala ko nung bago ipinanganak ang bunso ng ate ko, sabi niya kay yanyan (na siya niyang paborito, obviously), “mag-baby ka na para dun na uli ako sa inyo.”

sadya sigurong nahanap na ni auntie ang saya sa pagiging nanay naming lahat. ramdam namin yun sa tuwing nakikita naming nangingilid ang mga luha sa mga mata niya sa mga kwento namin tungkol sa mga bagay na nararanasan namin ngayong malalaki na kami. hindi siguro siya makapaniwalang malalaki na nga ang mga batang inaalagaan niya dati.

siguro pagdating ng panahon, kami naman ang mag-aalaga kay auntie. dahil miski pa sa kanya lang namin natikman ang sakit ng palong hindi kailanman malilimutan, patuloy pa ring namin siyang titingalain at mamahalin. si auntie ang walang pagod na bumubuo ng buhay naming magkakapatid.

picture5.jpg

taken on her 46th birthday (last Friday) si auntie… sexy-sexy!!! :lol:

3 Responses to “ophelia”

  1. jeckass Says:

    haayyy…ang buhay nga naman, minsan ang sarap balikan ng nakaraan. those good memories of childhood and the people who were responsible for taking good care of us. utang natin sa kanila kung ano tayo ngayon.
    naalala ko tuloy yung kanta ng cedie.. tsaka yung tunog ng plawta niya ‘pag tumutugtog siya..


  2. Bravo!

    Napaka-moving… :)

  3. diwangLaya Says:

    jeckass: ahaha! yung plawta… hanggang ngayon alam na alam ko yung tune. ginaya pa nga ng kapatid ko dati yun nung bumili kami ng cheap flute sa SM e :lol:

    thelastgriffin: salamat! :)


Leave a Reply