mula nang matuto akong magbus dito, hindi na ko nagtren.  nagtetren na lang ako kapag kailangan kong magpaload ng ezlink (ezlink yung card na ginagamit para sa pamasahe.  wala kasing kundoktor na nangongolekta ng bayad dito. tinatap lang ang ezlink card tuwing sasakay at bababa ng bus/tuwing papasok o lalabas ng train station).  minsan nga, dumadaan na lang ako ng stasyon pero bumabalik ako sa kalye para magbus pa rin, kasi bus din naman ang sasakyan papunta sa mismong ibaba ng flat namin. isa pa, maskumportable talagang magbus kasi nakakaupo ako.  kaya ngayon, medyo mahaba-haba pa rin ang biyahe ko papunta’t pauwi mula sa opisina.

madalas, may mga kumakausap sa akin sa bus.  madalas, matatandang babae ang mga kumakausap sa ‘kin sa bus (kasi hindi rin naman ako makikipag-usap sa matatandang lalaki o maski anong edad na lalaki in general dahil nauuwi lang sa pagkakaharass ko ang ganon.  oo, madalas akong ma-bastos. putangina nilang lahat. haha!)  hindi ko alam kung bakit laging may biglang chumichika sa akin.  halos araw-araw ganon.  seryoso.

siguro dahil kapag may nakatinginan ako, nginingitian ko.  hindi ako nagpapakyut, ha.  aminado kasi akong mukha akong kupal/antipatika/witch atbp., kaya para naman hindi matakot sa akin ang mga manang o bata (oo rin, mahilig ako sa bata), nginingitian ko sila kapag nakakatinginan ko.  sabi naman ni ning, kaya daw ganon kasi ang aura ko daw ay magaan.  kasi daw “kindred spirit” ako (hahaha! hippie galore!)  ewan ko, pero siguro nga mukha akong mabait or something (OR SOMETHING?!!).

kaninang umaga, sa itaas na bahagi ako ng 197 na double decker nakaupo.  tahimik ang biyahe ko habang binabaybay ng bus ang Victoria Ave., kasi paglampas ng Bugis kaunti na lang ang sakay ng bus service na yun.  pero pagdating sa Lavander, may umakyat na matandang babae.

nagulat ako noong umupo siya sa katapat kong upuan kasi pabagsak siyang umupo.  may sinabi siya in Chinese, at dahil hindi ko naman naintindihan ngumiti na lang ako.  maya-maya kinausap niya ko, at dahil nag-i-instik pa rin siya, kako, “sorry, but i don’t understand.”  ngumiti siya at tumahimik.

maya-maya uli, kinausap na naman niya ko.  ngumiti ako at muling sinabi na hindi ko siya naiintindihan, tumigil uli siya, pero siguro may urge talaga siyang magkwento kasi ilang segundo lang ang nakalipas kinausap na naman niya ‘ko.  hindi na siya tumigil.  nakangiti siya so alam kong hindi siya galit, o hindi niya ko pinapagalitan, minumura o kung ano man (minsan kasi may mga matatandang ganon.  namamagalit nang wala lang) so dahil mukhang masaya naman ang sinasabi niya ngumiti na lang ako.

pinipilit kong intindihin ang sinasabi niya sa pamamagitan ng mga mata niya, ng itinuturo ng kamay niya, ng tono ng sinasabi niya.  nung simula, itinapat niya ang palad niya sa dibdib niya.  siguro sinasabi niya, “ok lang na hindi mo naiintindihan ang sinasabi ko.  hayaan mo lang akong ilabas ang nasa dibdib ko.”  maya-maya kumanta siya.  hindi ko napigilang mapangiti lalo.  habang kumakanta winawasiwas pa niya ang kamay na kanina niyang itinapat sa kanyang dibdib.  sunod, itinuro niya ang mga gusaling nadaan namin.  bahagya kong nahuli ang salitang “Geylang”. nasa may Geylang na nga kami ng mga yun.  siguro ikinikwento niya kung paano siyang nagpaalam sa anak o apo niya para magpunta ng Geylang.  tapos itinuro niya ang bag at sapatos niya.  baka bago ang mga yun.  o sa areang iyon niya nabili ang mga yon.  ngiti lang ako ng ngiti habang nagkukwento siya.  maya-maya, itinuro niya ang bibig ko tas may sinabi siya tas biglang humalakhak.  sabi siguro niya, “bakit ngumingiti ka lang.  dapat tumawa ka ng ganito, hahaha!”  nahiya naman akong tumawa.  hindi ko kasi alam kung paano tutugon.  mamaya hindi pala yun ang ibig niyang sabihin diba.

mga 15 minutes mula nang sumakay si auntie, huminto na ang bus isang stop bago ang bababaan ko.  pinindot ko na ang buzzer.  nginitian ko si auntie na huminto naman sa pagkukwento’t ngumiti rin.  “auntie, i’ll go ahead, ah” kako.  may sinabi siya at muli nasa may dibdib niya ang kanyang kamay.  tumatango-tango siya habang naglalakad ako papunta sa hagdan pababa.

sana nga gumaang ang pakiramdam niya, kung iyon nga yung sinabi niyang dahilan ng pagkukwento niya nung una.  sana rin, hindi ako masyadong nagmukhang tanga sa aleng nasa may likuran namin (na hindi man lang nagbother na magtranslate maski narinig naman niyang ilang ulit akong nagsabi “i don’t understand!” haha!) hay…

kebla.

4 Responses to “sige auntie, tell me your story”

  1. chelly Says:

    ang chika ng mga thunders dun ah. hahaha. mag-aral ka na daw kasi ng chinese para makachika ka na din. hahaha.

  2. chelot Says:

    ay mama, mahirap pag-aralan yun. as in! tsaka ayoko rin. hahaha!

  3. Cel Says:

    Hahahahaha!!! Na-iimagine ko ang face mo habang kinakausap ka ni Auntie! Hahahaha!

  4. chelot Says:

    now that you mention it, i see myself in the situation too…

    and i look soooo stupid.hahahahahaha!!!

    oh well. hahahahaha! :lol:


Leave a Reply