gusto ko lang mag-

August 14, 2009

WEEEEEEEE!!!

:lol:

last day ko na sa hawlalu ni G. Baba :)   at sa Lunes, simula na ng bagong career! weee! weeee!!!

YAY YAY YAY!!! XD hahaha.

“Hello, Advertising.  I missed you…” hahaha!!!

ang saya-saya!

mukhang mabait yung magiging sup ko, tsaka deretso ang English nya :)   tsaka tiyak na marami akong bagong matututuhan (kasi more editing, more fun din sya aside from copywriting).  YAY! totoong trabaho na ‘to. hahahaha :lol:   di na ko mag-o-over facebooking  :lol:   mababawasan din ang pagyoyosi ko, kasi bawal magyosi ng office hours.  hahahahaha!  makakatipid na ko lalo.  SHETTTT :lol:

tapos, 9-530 lang ang office hours!  di daw sila madalas mag-OT (na mukhang totoo naman kasi kapitbahay namin si admin at mukhang maaga siyang nakakauwi lagi)  di na ko late magdidinner! matutunaw na nang maayos ang pagkain ko!  tas kapag feel ko, keri din maglakad pauwi!  wee!!!  papayat na ko!!! :lol:

ASA.

at, at, at!!! ang lapit lapit na ng opis ko sa house of shala!  di na ko mapapakshet sa paghihintay ng BS 197 (na umaabot ng 25-30 minutes kadalasan), sa pagtatap-up ng higit $80 sa ez-link ko per month at sa paghihintay na makaupo ang mga lolo’t lola dahil nagti-trip to jerusalem sila sa loob ng bus.  waaaaaahhhh!!! hahahahaha!  yeeeehaaaaahhhh…

weeeeee, talaga! wee!!! :)

ayun lang :wink:

badtrip

March 11, 2009

nagising akong badtrip, kasi natulog akong badtrip.

badtrip.

———-

tangina.  lahat na lang ng electronic na nakapaligid sa ‘ken nasisira.  ewan ko ba kung bakit.  hindi ko naman binabalahura ang paggamit ng mga yun. 

una, yung aircon kailangan na servisan.  pangalawa, yung tv sa sala nawalan ng picture.  tas kagabi, hindi na gumana yung charger ng telepono ko. 

ano ba? nag-e-emit ba ko ng electrical charge na nakakasira ng mga lekat na bagay?

putangina lang talaga.

———-

magiging masaya ka ba kung araw-araw nag-iimbento ka lang ng task?

———-

nakakasawa na mag-imbento. pero andami kong naiisip na kung anu-anong ‘eksena’ nitong mga nakaraan. kailangan ko gawan ng oras ang pagsusulat ng mga yun para hindi ko malimutan (o tuluyang katamaran).

may namimiss ako…
 
 
 
 
 

ang old school typewriter na gamit ko nung college.

———-

sinusubukan kong mag-isip ng cheesy lines.

———-

tulad nito;

ang totoo nyan, gusto kitang
yakapin, pero natakot akong baka bigla kang
humagulgol— hindi ko alam kung paano ka
patatahanin.

hindi ko sinasabing alam ko
na ganun nga ang mangyayari sa’yo. naisip ko lang
dahil ganun ako; kapag naiiyak, lalong umiiyak kapag
kinakalinga hanggang sa
humagulgol nang tuluyan na parang
batang nawala sa mall.

———-

kagabi may naisip pa kong isa, pero ayoko nang i-share dahil badtrip nga ko, diba?

———-

sana may mahanap akong charger ngayong lunch time. kasi puta, wala pa ko pambili ng phone.

———-
andami kong kailangang bilhin. nakakabwiset.

ayoko nang mabuhay sa material world na ‘to!!! (dahil di naman ako “a ma-material girl”).

———-

ay, may kwento pala kong masaya. kaso mamaya na. pag bahagya na rin akong ‘masaya’.

———-

siya, tama na ‘to. baka badtrip ka na rin.

super random shit

February 13, 2009

the problem with writing for a living is that you never really get to write.

of course that’s cliche, so everyone agrees.  correct or not?

———-

madalas, nitong mga nakaraang araw, gusto kong bulyawan ang boss ko nang, “tangina, hindi tayo matatapos nito kakabago ng isip mo, e.  puta tsong, gusto ko nang kumita!”

but then again, sabi nga nila sa Singlish, “that’s just play play, lor!” :D

———-

i had another thought earlier when i decided to click the “new post” button, but then i forgot what it was.  so in the end, everything i write now would really be just random blabber (again).

and yes, i am that old and ulyanin!

———-

i know.  i express myself better in Filipino.  but who reads this anyway? :lol:

may sasagot.  si chelly! hahahaha.

———-

i’m on my 7th month here in SG.  i haven’t gone home.  i never thought i’d last this long without seeing my family.    especially nina.

yesterday, as i rode the elevator to the 18th floor, i thought of her.  i saw their pictures in friendster, and she’s grown so much.  nakoo, dalaginding na din siya!!!  shet.

anyway, i realised that she’s my favorite and yes, it’s wrong playing favorites, but she IS my favorite pamangkin and i don’t think anyone can do anything about it (bad ninang!!!).  maybe it’s because i got to take care of her more than my other pamangkins, and because she looks like me when i was little.  and she does remind me of me sometimes (coz we’re both maldita!)

:( i miss ninay.

———-

connected to the previous section (haha!)

it’s only when i got here that i realised;

- how much i love everyone i care for back home.  *yakap*

- how OC i am.  i never thought my case was that serious. i have this constant urge to clean up and organise.  i can’t keep still until i see things ‘clean’,

- i am an addict.  i cannot quit smoking (i’m actually in my, what, 8th/9th try of quitting? puta talaga).  i tried giving up coca cola too, but then the habit’s back.  min of 335mL/day.  tas putek, ngayon pati chocolate (hence the chabellitaness).  i don’t have f*cking discipline.

- also, i never thought that i can actually force myself to wake-up early in the morning just so i can eat breakfast (e hindi nga ko nagbebreakfast sa Manila e), and cook my baon (OO, BAON! never in my life did i bring baon. maski nung prep pa lang ako pera na baon ko, e).

- i really love walking aimlessly in urban jungles.  i do.  i really really do.  and i love the fact that this is a beautiful city to get lost into.  even if you get lost, you find yourself stumbling upon something beautiful, amusing and interesting.

———-

anyway, i would really want to be happy where i am. i’m not giving up until i enjoy and experience this adventure to the fullest (o ayan, a. parang sumpa na).

i hope in time, i’d find a job that i can love in this city.  i hope i’d find a ‘fuentes’ here.

seriously.

“hi sir edd!!! tayo kayo ng fuentes singapore!” :)

hahaha.

———-

ano pa ba?

ahh!!!

2 of my closest friends here are sick. and i mean really sick.  :( kawawa naman ang mga OFW, walang nag-aalaga.

i hope you both get well soon.  at sana hindi nyo ko mahawa dahil ok, kaya ko rin alagaan ang sarili ko, pero wala akong pera. hahahaha!

*hugs to you both*

-chabellita

Bukas, isang linggo na ‘ko dito sa Singapura.  Isang linggo nang puno ng kapaguran at kalorkei-han ang buhay ko.  Oha! Akala mo ba may nagbago?  Asa!  Pero sana, matapos ang linggong ito o buwan na ito ayos na ko.

Nakakalorkei lang kasi andami kong nilakad; yung medical ko, workpass chu, workpass ID chu at literal na lakad ito. More walking more fun! Tapos, dahil panalo sila bossing chinezu, hindi pa man tapos lahat ng kailangan kong lakarin, pinagtrabaho na rin ako. Woohoo!!! Ang saya-saya dito grabe!!! Woo!!! Ika-4 days ko pa lang 2 na ang project na nagagawa ko (at siyempre ang 4 days na yun e hindi buong araw dahil nga palakad-lakad ako sa mga gov’t offices) kaya muli, Woo!

kakatapos ko lang ng mga tasks ko, at dahil bukas ng 6pm pa ang deadline ko, heto na… relax mode na. RELAKSSSS!!!  Wala kasi sila bossing chinezu ngayon… nasa HK ata or Indonesia o kung saan, at mawawala sila sa loob ng dalawang linggo, so more email lang kami ng task chu… ayokong ipasa sa kanila ang tapos kong work hanggat hindi deadline.  ayoko magmagaling, dahil baka masanay sila at maabuso ako nang todo. HAHAHA! May pagbabadya pa naman kasi ako lang daw ang may experience na writer ngayon dito. Waaah!

Anu ba?  Sobrang walang sense ang flow nito.  Kasi, may mga Ate Vi akong katabi.  Lahat ng katabi ko Ate Vi.  Noong isang linggo ko pa nga hinihintay na may sumigaw ng,”I love you Lucky!”
Lagi silang, “busy ka ba?” o “anong ginagawa mo?” o “ano pang ibang english word para dito?” o paano ba ginagamit ang apostrophe?” mga ganun!  Kung hindi ina-announce na gumi-g-talk ka for 2 seconds, kung anu-ano ang tinatanong sa’yo.  “anong project yang ginagawa mo?  May kailangan kasi akong konsepto e, pwede mo bang isingit sa utak mo ang problema ko?”  waaahhh!!! Gusto kong sagutin ng, “HELLO!!! Pwede mag-adjust? Kasi kararating ko lang mula Pilipinas kahapon e.”

Ayan, napapatingin na naman ang katabi ko kasi nagta-type ako.  Shet!

Maraming nga palang nagme-message ng, “Kamusta ang Singapore?”  pasensya na po, pero sa ngayon, ang isasagot ko lang e, “hindi ko pa napapakinggan ng husto ang tibok ng puso nya, at di ko pa mawari kung mahusay ang kalagayan niya o hindi dahil: tumitibok ang mga ugat sa paa ko kakalakad (pala-lakad na ko sa Pinas nyan a, what more ang hindi mahilig maglakad); may mga pagkakataong nahihilo ako sa tren, at hindi dahil mabilis ang takbo nun kaya hindi ko rin mapakinggan ng husto ang ritmo ng riles; naloloka pa ko sa pagkawala ng personal space ko :cry: NALOLOKA! NALOLOKA!!! NALOLOKA!!!

Ayon.   Ano pa ba?

So far, di pa ko nakakapamasyal… bukod sa walang katapusang pagdaan sa Fair Price (na parang SM hypermart), dahil kinailangan kong bumili ng; hanger, sabon panlaba, hanger, unan, pang-umagahan, hanger, ummm, hanger… at hanger :D

Sinama rin pala ako ni Carlo sa dress rehearsals ng National Day Parade nung Sabado at ika nga nila, yun daw ang ultimate Singapore experience kasi may jet show chorva, maraming sayawan, kantahan at nakakalorkei na floats.  Mayroon ding walang katapusang fire works display at iba pang nakakamanghang chorva na matatanga ka na lang sa upuan mo at masasabing, “tangina, ang yaman talaga nila…” yon.  At exclusive pala ang event na ito, buti napanalunan ng lola ko ang tickets. hahaha!  Tapos, kahapon naman, sinama niya ko sa Lucky Plaza for dinner. Winner ang Pinoy food dun, di tulad nung malapit dito sa office naming.  Bukod dun, panay mall na… kasi sinamahan ko si roommate Cristine na mamili ng damit (kasi di pinadala ng magulang niya ang mga damit nya. Hahaha!)  so, dahil may ka-perahan ako pagdating (katas ng fuentes), nakabili ako ng relo (kasi matagal na kong walang relo at kailangan ko siya ngayon promise! dahil ang bilis ng oras dito) at flat shoes, dahil wala akong sapatos at nahiya naman ako sa officemates ko dahil bihis na bihis sila samantalang ako, naka-tsinelas (kebs pa kung havaianas/ipanema ang tsinelas mo kasi naka-pangparty sila. Hahaha!)

Ayan, ang dami ko nang kwento.  Shet! Kalorkei diba.  Wala na kong kebs kung may naintindihan kayo o wala.  Basta kailangan ko na ‘tong i-release dahil baka bumulwak ang kaluluwa ko dito. Hahahah!

Btw, hindi na pala ko nakakakain ng chichirya… panay apple slices ang merienda ko.  Siguro eto yung epekto… kulang na ako sa vetsin.

todo para la familia

June 30, 2008

ang mahirap dito sa atin, halos lahat may paniniwalang magaling ka lang pag wala ka dito. kasi ‘pag wala ka dito, tiyak na masmalaki ang kinikita mo.

kasi dito pera lang ang mahalaga, hindi mahalaga ang talino. may nakapagsabi na nga sa akin dati nang, “hindi mo naman maipagpapalit ang mga medalya mo sa pera, o sa isang kaban ng bigas.” at “aanuhin mo yang diploma mo? kapag nilaga mo yan, wala pa rin lasa ang sabaw.”

dito, mahalaga lang ang talino kapag nag-aaral ka, pero kapag tapos ka nang mag-aral usapang pera na yan. kapag wala kang pera maski pa henyo ka, wala kang kwenta. ang mga ma-pera lang ang panalo, mabango, at dini-diyos dito.

———-

noong nakaraang taon pinangarap kong mag-abroad. totoo! kasi noong panahong yun ko natanggap sa sarili ko (makalipas ang ilang taon ng pagpapaka-martir) na walang mangyayari sa ‘kin dito. walang mangyayari sa ‘kin kung ipagpapatuloy ko ang pagsusulat dito. isang malaking kahibangan para sa isang tao na maraming responsibilidad, tulad ko, ang magpakabaliw sa industriyang pinasukan ko.

kaya mula noon nagplano ako… kako, maghahanap ako ng ahensya kung saan matututo akong magsulat ng maayos (na advert o press release). kung saan mapa-publish ang mga sinulat ko kasi naisip ko, “if you build your portfolio, the money will come.” although walang by line ang mga pinagsusulat ko, di ko inintindi yun basta dumami ang laman ng portfolio ko (tsaka wala namang writer sa tamang pag-iisip nya ang aangkin ng hindi nya sinulat) kaya ako nag-PR.

noong una, tamang praning ako lagi. noong mga unang buwan ko, lagi akong nakakatanggap ng comment na, “this is too hard sell,” kasi nga naman sa advertising ako galing, na sinundutan din ng lecheng “home TV shopping style writing” ng web content. nagtiis ako sa pulahang draft na bumabalik sa ‘kin. nilunok ko lang lahat ng nakakalokang comment hanggang sa matutunan ko ang tamang tono. nilunok kong lahat yun habang pilit kong sini-stretch ang kinikita kong barya. sabi ko na lang sa sarili ko,”ayos lang yan. kaya mo yan. pwede ka nang magpaka-mahirap ngayon, tutal graduate na naman ang kapatid mo’t mayroon ka nang katuwang.” kaya yun, nakuntento ako sa pagiging mahirap.

pero may mga season din naman na hindi kami mahirap dito, katulad nung pasko. actually sa lahat naman ata ng kumpanya ganon, mayaman tayong lahat pag pasko. nung yumaman akong bahagya, nagpagawa na ko ng passport. di ko pa kasi nalilimutan ang tunay kong plano non. tapos, naawa sila sa’ken…

binigyan nila ‘ko ng increase.

———-

masakit para sa akin na pangaraping maging OFW. totoo. naalala ko pa noong bata pa ‘ko sabi ko sa kaibigan ko isang break, “kung mangingibang bansa ako, para mag-aral lang. pag natutuhan ko na ang kailangan kong matutuhan dun, babalik ako dito. dito ko ipapasa sa iba ang natutuhan ko. hindi ako magpapakabihasa para pakinabanggan ng ibang bayan.”

sobrang bata ko pa pala non. hilaw pa.

hindi ko pa alam ang pinagsasabi ko…

———-

sa isang linggo, lilipad na ‘ko patungong Singapore. sa totoo lang hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. ang bilis bilis ng mga pangyayari. binaliktad ko ang mundo ko sa loob ng dalawang linggo (dahil minamadali ako ng magiging amo ko dun. siguro nginangarag nila ako dahi training na yun sa pagiging sweatshop copywriter ko dun. haha!).

hindi ako nagmamaganda, pero noong una kong nakuha ang offer, naiyak ako, at hindi dahil sa tuwa. naiyak ako dahil;

1. masaya na ‘ko dito sa trabaho ko. masaya ako dahil finally, nahanap ko rin ang tamang ahensya. mahirap hanapin ang ganito (maniwala ka… nakakaanim trabaho na ko sa loob ng apat na taon). may mga totoong tao rito, may mga totoong kaibigan ako dito, pero wala… kailangan kong iwan ‘tong lahat.

2. nagliLIRA ako ngayon. ang saya-saya ko sa ginagawa ko maski pa hindi ako nakakapagpahinga. maski pa araw-araw akong gumigising ng maaga para bumiyahe ng 3-4 hours araw-araw, dahil araw-araw may bago akong natututuhan. dito ko rin natagpuan ang mga bagong kaibigan. silang mga tipo ng taong dati ko pang hinahanap na makasalamuha.

3. may bago akong inaanak, at sa pag-alis ko, hindi ko magagawang makapunta sa binyag niya :(

4. birthday na ni nina sa july 26…

5. si cholo, hindi ko makikitang lumaki :(

ayoko nang maglista… naiiyak na ako.

:cry:

———-

masakit, na lahat ng bagay at taong nagpapasaya sa akin, kailangan kong iwan.

———-

so kung marami akong inarte sa earth, ba’t ako aalis?

kasi isang gabi habang binabaybay ko ang daan papuntang EDSA mula dito sa building namin, naisip ko, “tangina! mahigit isang taon ko nang ginagawa ‘to… wala pa ring bago sa ‘kin (bangs lang… ule. so hindi na rin bago yun) hindi pa ba ako nagsasawa?”

tsaka sabi ko nga kay Lovely sa text, habang umiiyak akong naglalakad pauwi (sa glorietta… oo nakakahiya talaga), “kaya akong buhayin ng sahod ko dito. ayos na. masaya na ako dito, pero hindi ako makakatulong sa pamilya ko.”

———-

ayun yun.

kaya nabuburat ako sa isang opismate kong masexcited pa umalis sa ‘kin, gusto ko siyang ibala sa giant tirador para mauna na siya don.

siguro kapag nandoon na siya, tsaka niya lang marerealize na hindi pala niya alam ang pinagsasabi niya.  dahil ito, hindi ginagawa para lang masabi mong mahusay ko, o bida ka, o kung ano… dahil kung yun lang ang dahilan mo, gago ka na.

———-

naiirita din ako sa mga taong banat nang banat ng ‘ang swerte mo. swerte mo na yan! i-grab mo na ang swerte!!!”

gusto ko silang banatan ng,”hello!!! hindi mo dinadaan sa swerte ang copy test at ang pakikipagbolahan sa interbyu! at kung sinasabi mong swerte ako, ibig ba sabihin tinatanggap mo sa sarili mong malas ka?!!? you insecure closeted fag you!”

———-

marami na ‘kong kaibigang naka-inuman (dahil nga aalis na ‘ko). gusto ata nilang ma-deny ako sa pagkuha ng VISA dahil wasak na ang atay ko pagdating ko dun. pero kung gusto mo uminom tayo? tara! kailangan ko pang lunurin ang mga laman ng isip ko :lol:

———-

siguro, ang punot dulo lang naman talaga ng gusto kong sabihin (after all this chuvalu), e: natatakot ako. natatakot ako sa pinapasok ko, dahil maski ilang beses ko nang nilibot ang website ng papasukan ko doon, hindi ko pa rin alam ang daratnan ko…

at

MAMIMISS KO KAYONG LAHAT!!!

MAMIMISS KO ANG LIGALIG NG MAKATI, MANILA, QC, at ang napag-iwanan kong bayan ng SAN PEDRO :(

POTAH!!! FUCK THE GOVERNMENT TALAGA! KAILAN NYO AAYUSIN ANG BUHAY DITO PARA HINDI NA KAILANGANG UMALIS NG MGA PILIPINO SA BAYAN NILA?!!?

TANGINA!!!

:cry:

shet!!!ang sakit ng ulo ko!!!

puyat na naman kasi ako :( ang totoo nyan, lagi naman akong puyat. hindi kasi ako nakakatulog ng masmaaga sa ala-una o alas-dos ng madaling araw mula pa noon… di ko na matandaan. sumasakit lang ang ulo ko ngayon kasi ang pinagkaibahan sa pagpupuyat ko noon at ngayon e overused talaga ang utak, mata at katawan ko ngayon. grabe. zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzz…

biro lang. gising pa ko, kasi nandito ako sa opis ngayon (hee hee!)

———-

andami ko talagang gustong i-kwento, try ko lang share lahat a. pero bago yun, balikan muna natin yung hindi ko natapos nung nakaraan. heto na ang “BATYA ART” na nabanggit ko.

isang laba day, habang hinihintay mapuno ang kabilang batya.

nagandahan lang ako sa swirls ng bula nung nakita ko yan. hindi ako mahilig maglaba, a. once a week ko lang ginagawa yan. pero isa kasi ang paglalaba sa chore na kering-keri kong gawin (well, keri ko siya kesa magplantsa). hmmm… sige na nga, aaminin ko na. nag-e-enjoy ako sa paglalaba, kasi pwede akong maglandi ng tubig ‘pag di ko pa trip karirin, nakakapag-isip ako habang nagkukusot (at nagkukunwaring nasa TV show. kunyari nagdedemo ako ng tamang pagtanggal ng matsa, paglalagay ng chlorine, kung saang areas ang dapat kusutin nang maigi, atbp.) :lol: at dahil alam kong nung weekend na yun na ang huli kong “take your time” laba hour, kinunan ko ang picture ng batyang mamimiss ko.

p.s.

isusumpa ko ang sino mang mag-comment dito nang,”pwede bang magpalaba?” TAE NYO!

———-
eto naman yung ibang nakita kong signs/copy/pangalan na sinabi ko sa inyo nung nakaraan (kung nakalimutan nyo na, eto yung mga na nakakatawa pag binigyan mo ng ibang kahulugan). game.

1.

OHA! akalain mo, sa may Elvinda Subdivision pala may maaarkilang Elf. ang tanong, sino kaya sa kanila ang pwede mong i-rent.
am sure, yung mga girlet dyan ang gustong rentahin e si Legolas. at ang mga boys naman e si Arwen. hmmm…

basta ako, ang gusto kong i-rent, si Galadriel. o diba, royalty! tapos sasabihin ko sa kanya na isama ako sa Lorien :D

ikaw, sinong elf ang gusto mong i-rent?

2. eto naman, ang sama lang.

diba!

favorite ko kasi ang tissueng tatak Tisyu. kasi mura lang pero maganda (P10 lang yung 2 roll). medyo naloka lang ako nung una ko yang nabasa.

bakit?

para kasing may identical twins. parehas silang maganda, maputi, mahaba ang buhok, magandang ngumiti. pero yung isa, astig=matalino, street smart, magaling sa sports, sa arts, sa kalokohan… at dahil nasa twin na yon na ang lahat, yung isa, coreless na:(

fine, fine. ako lang ang nakaisip non, kaya ako ang masama.

———-

ano pa bang kwento ko?

ahh!!!

may isa pa palang sign na hindi ko na malilimutan mula ngayon.

dahil ayaw kong ma-late sa palihan, last, last Sunday (i mean, bago nitong nakaraan), nagpunta ako sa UPD para mag-’ocular’ (lagi kasi akong naliligaw doon. hindi naman kasi ako laging napapadpad doon, the country mouse that i am). so gaya nang inaasahan, naligaw nga ako :lol:

kapag linggo pala, sarado ang kalsada sa loob ng campus (kasi ginagawang joggingan, bike-an at exercise-an ng mga tao ang nasabing kalye), kaya ‘di ko na alam kung saan ako dapat bababa (HAHAHA!!!) hanggang sa napagpad na ko sa may shopping center. kaya naglakad uli ako pabalik… pabalik isa, dalawa, tatlo, apat na blocks.

ayun, awa naman ng ibong adarna, natunton ko ang hinahanap kong building makalipas ang 30 minutes (o higit pa).

nung pauwi na, tinandaan ko ang sign na nagsasabing;

FROGS

———-

dati, may na-encounter akong tanong (hindi ko sure kung saan, pero feeling ko sa facebook). parang ganito yung tanong: anong mas pineprefer mo, tawaging writer o poet?

sinagot ko yun ng ‘writer’. kasi writer naman lang talaga ako, at hindi poet.

akala ko nun, tamang preference lang yun. ngayon, alam ko na kung ba’t hindi pumapayag ang isang poet na tawaging writer lang.

fine.fine. suko ako sa inyo mga idol, boss, chief, amo…

———-

shet, gusto ko na talagang matulog!!! pero hindi pwede, hindi!hindi!hindi!

andami kong assignment.

kailangan ko ng diksyunaryo pare. kailangan ko. seryoso!

———-

bago ko malimutan,

kumusta ka? na-miss mo ko, no!

(HAHAHA!!! feeling.)

———-

may isa pa pala kong iniisip.

shet, kaya ko hindi nakakatulog, e. andami kong iniintinding hindi ko naman dapat iniintindi. o pwedeng hindi intindihin. anyway.

may hinihintay akong sign. iniisip ko kasi kung tama ba ‘tong ginagawa ko ngayon, o nagpapakatanga na naman ako (kasi, wala ka nang pahinga… wala ka pang anda).

bakit kaya ganun, lagi akong hati sa pagpili sa pagitan ng pangarap at pera.
kayo rin ba?

sabi ng kaibigan ko dating si M (na hindi ko na kaibigan ngayon, kasi “iba” na siya), para yumaman ka, kailangan magmukha kang pera. grabe ano? kailangan daw, imbis na minumura mo yung pera (na lagi kong ginagawa… e.g. tanginang yan, ba’t ba kasi nagka-pera pa!), dapat minamahal mo. mayaman na si M ngayon. mali. milyonaryo na pala siya. ako eto pa rin… lupa.

minsan, iniisip ko, “bakit nga ba hindi ko na lang pinangarap ang pera?”

———-

ayun lang.

ayoko na muna magkwento pa (kasi, bukod sa baka maiyak ako sa ka-dramahan ko :lol: ang haba-haba na nito no! maawa ka naman sa amo ko).

pero gusto kong malaman mo (kung may kebs ka lang naman), na maski mahirap (up to the point na gusto ko nang i-umpog ang ulo ko), at nakakapagod (dahil araw-araw akong gigising ng maaga’t luluwas sa Makati, QC, all over the country), masaya ako :)

sabi nga ni kumpareng gino at kumareng shugs, “eto si chelot, gusto yung nahihirapan siya.”

siguro nga. kasi, ngayon na lang uli ako naging masaya.

———-
charos!

wee!!!

May 19, 2008

palagay ko ngayon matututo na kong tumula nang maayos…

well, sana.

kailangan nang maghanda-handa (at bumili ng pilipino-pilipino dictionary), dahil etong darating na Hunyo, isa ako sa labing-apat (or sampu lang, kasi yun lang ang nasa groups) na fellows ng…

tan-ta-da-dan!!!
 
 
 
 
 

LIRA

:D

shet, ako ata ang pinakamatandang fellow ngayong taon… pero sa totoo lang, KEBS!!! e sa ngayon lang ako nagtry na sumali e, bakit ba.

:lol:

———-

nakakaloka… dalawang buwan nang nagro-rollercoaster ang buhay ko (at hindi lang basta life challenges ang mga ito… as in TODO!!!)

nararamdaman ko, malapit na malagot ang pisi ng katinuan.

tsaka ko na lang ikukwento sa inyo ‘pag kinaya kong i-kwento. basta, masaya yang balita na yan. sana, tuluyan nang sumaya ang lahat ng… basta tulungan nyo na lang ako magdasal (kung nagdadasal kayo. kung hindi naman, wish me luck na lang)

sana gumana na ang paghipo ko sa lahat ng buddha sa hongkong.

ay, di ko na-kwento… nagpunta nga pala ko ng hongkong nung nakaraang linggo.

tsaka na lang ang entry.

yon.

———-

tagay! :wink:

write to me

May 2, 2008

kapag ikaw ang nakatanggap ng sulat na tinapos ng ganito… anong gagawin mo?

“— you see— I come to know you— I shall feel my way into your thoughts— as a hand into a glove— to steal your own metaphor and torture it cruelly. But if you wish— you may keep your gloves clean and scented and folded away— you may— only write to me, write to me, I love to see the hop and skip and sudden starts of your ink…”

- A.S. Byatt
Possession

kulang sa S

April 3, 2008

SELF-ESTEEM

wala akong tiwala sa sarili ko, lalo na pagdating sa pagsusulat. ewan ko. siguro ganun talaga, dahil marami rin akong kaibigang nagsusulat na wala ring tiwala sa sarili nila.

sa kaso ko, ang kawalan ng kumpiyansa sa gawa ay ang dahilan kung bat ako wimp. ni minsan, di ko sinubukan na maging parte ng maski anong publication nung nag-aaral pa lang ako (nagcontibute lang ako sa litt folio nung huling sem ko na sa dasma). kaya nung naging copywriter ako matapos mag-aral, nagulat silang lahat. (teka, ngayon ko lang naisip na baka ito rin ang dahilan kung bat nandito ako sa industriyang to :lol: wala kasing by line.)

kaya naman, dahil lang sa kababawan, tumataba na ang puso ko ‘pag may mga taong lumalapit para magpatulong sa ano mang writing needs (at hindi lang dahil sa pera, a… totoo!). nitong mga nakaraan, ilan ang lumapit para magpagawa ng; content, resume, at kung anu-ano pang chu writing. tapos nung isang araw, pagka-check ko ng stat ng shortfix (na minsan ko lang pinupuntahan), ni-refer ako ng site na ‘to.

salamat po sa paglink sir!

———-

S*****

WARNING: ang bahaging ito ay para lang sa mga girls

Totoo bang habang tumatanda ka, lumalala ang dysmenorrhea?

Nung high school kasi ako, wala akong nararamdamang pagsakit ng puson kapag meron ako. Nung nagcollege na, paminsan-minsan, akong nakaramdam ng PMS… dumalas yun noong bandang 24 na ko.

Kahapon, ‘di ko na kinayang pumasok.

sabi ni Lita sa ‘kin, “kulang ka lang sa s*****.” medyo baboy diba, pero bakit nga ba?

———-

Sabon

hindi ko alam kung madumi lang ang utak ko, o talagang sinadya nilang gawing ganon ‘to (for subliminal messages and shit)… nagpa-footspa ko kagabi (yes naman!salamat sa raket :D ) habang namimili ng nail polish, napansin ko lang na medyo green ang pangalan ng mga shades…

1. pussy red

2. touch of tan

3. african plum

4. screaming tangerine (squeeze!)

biro lang yung huli (baka hanapin nyo), pero diba? sinadya kaya nila… :lol:

———-

may nasulat akong tula, pero wala dito. nasa shortfix, at gusto kong puntahan nyo dun.  kaya click mo ‘to.

ngayon, pwede nyo nang tawagin ang bahaging ito ng entry na kulang sa sampal :D

———-

napanood ko ‘to nung isang gabi…

my-sassy-girl.jpg

at na-realize kong, kulang pa pala ko sa pagiging sassy :lol:

kaya naman pala…

———-

sabaw

siguro matagal nang hindi nakakahigop ng sabaw ang mga kliyente namin.

patay na naman ang mga accounts… may dumarating na task every day pero isa-isa lang (nung isang araw nga, isang sentence lang e).

malapit nang maging malabnaw na sabaw ang utak ko.

chenez!

nitong mga nakaraan ‘di ako masyadong nakapag-blog. wala lang. ‘di ko lang feel. hindi sa dahil wala akong maisip na isulat, actually napakarami ko ngang naiisip na kung anu-anong walang kwentang bagay (na sakto dahil puro ganun lang naman ang laman ng blog na ‘to), pero pag nasa harap na ko ng pc hindi ko maisulat.

akala ko naghihintay lang ako ng tiempo. nung isang linggo sabi ko ‘hindi pa siguro luto ang mga storya sa utak ko,’ kaya pinabayaan ko lang muna. hanggang ngayon nasa utak ko pa rin ang mga kwentong putol-putol… ayaw pa rin lumabas sa dulo ng mga daliri ko.

hindi rin naman ako busy. sa totoo lang halos isang buwan na kong papetiks-petiks dito sa opisina. paisa-isa lang kasi ang dating ng mga kailangan kong gawin ngayon (na nabanggit ko na ata nung nakaraan sa nakakainis kong entry). so bat nga ba hindi ako nakakapagsulat dito?

nung isang araw chineck ko ang mga anik ng blog na ‘to, at nadiskubre kong mag-iisang taon na rin pala mula nung una akong nag-post. hindi ko akalain na mamemaintain ko ‘tong bisyong ‘to. may mga pagkakataon pa ngang gumastos ako para lang makapag-post ng bagong entry. muli, walang dahilan. naisip ko tuloy kung talagang ganito na ko ngayon, kumikilos ng walang dahilan… zombie. dahil kaya yun sa blog na ‘to?

alam nyo na naman siguro kung bat ko sinimulan ang blog na ‘to, ano? nasa kauna-unahang entry yon. sinulat ko yun noong isang taon dahil wala rin akong magawa. nasa isang maliit na ad agency ako noon sa new manila nagte-’training’, at dahil naubos ko na ang tasks ko, sinubukan ko mag-hello sa blogosphere.

Bilang ng bumisita: 11,482

Bilang ng posts: 163

Bilang ng comments: 316

ano nga bang napapala ko sa pagba-blog? nung nagsisimula pa lang ako na-obsess ako sa mga figures na yan, pero nung lumaon hindi ko na rin yan tinignan (wala kasing adsense) :lol:

hindi ko alam kung naisakatuparan ko ang ‘misyon’ ko nung sinimulan ko ‘to… pansin mo bang panay tagalog na lang din ang laman nito? sabi ko kasi eto ang praktisan ko ng ‘english write-ups’, at ang nakakatawa pa hindi lang basta tagalog ang lenggwahe ko… may punto pa :lol: pansin mo ba? pero alam kong hindi na lang puros sama ng loob sa mundo ang naisulat ko, so siguro ang kalahati ng objective ko ay na-meet ko naman.

ngayon feeling ko na naman wala akong pinatutunguhan sa sinusulat kong ‘to… tinatamad na kong tapusin… kaya ititigil ko na lang.
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

joke lang! :D

pero totoo diba? walang sense. pero ang walang sense na gawaing ‘to ay may malaking naitulong sa akin. una, siguro kung hindi ako nagsusulat dito hindi na ko nakaka-function ngayon. malamang isa na lang din ako sa mga naglalakad sa national hiway ng muntinlupa at san pedro (napansin nyo bang marami na sila ngayon? dati si manong dreads lang ang may ari ng territoryong yon). alam nyo naman kung gaano kahirap ang pinagdaanan kong taon diba? (kaya nga may mga naglulurk na mockers e) pangalawa, nasabi ko na rin to dati, dahil sa blog na ‘to nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan at iba pa (sa iba pa, bahala kayo sa buhay nyo, basta wala akong ginagawang kababalaghan… mapraning kayo kung gusto nyong mapraning). dahil din dito sa dLr nagkaroon ako ng paraan kung paano ipagpapatuloy ang kwentuhan sessions (although indirect) sa mga kaibigan kong nasa malayo. kaya masaya… ayos tong bisyong ‘to.

hindi ko alam kung hanggang kailan ko ‘to gagawin, at kung darating pa ang panahong sisipagin akong maghulog uli sa baul na ‘to ng mga walang kwentang kwento ng buhay ko. basta ngayon masaya akong at nasubukan ko ‘to. masaya akong nasimulan ko ‘to at mayron akong binalik-balikang hingahan ng miski anong nararamdam ko paminsan-minsan.

kaya dahil isang taon na rin naman kaming naging matalik na magkaibigan, hindi naman siguro masama kung batiin ko ang blog ko ngayon diba?
 
 

HAPPY BIRTHDAY dLr!